fairytale bangungot


Natupad na kagabi ang pinapangarap ko - nakapag videoke na naman ako.

Syempre, nung Friday ko lang hiniling yun noh pero wish granted na kaagad. Medyo masaya rin na hindi. Actually, hindi nga eh.

Nakapagvideoke ako dahil nagdespedida ang mga pinsan ko kagabi. Bakasyunista sila galing London at mamayang gabi na nga ang alis nila. Umuwi lang sila dito para umattend ng libing ng isang malapit na kaibigan at syempre pa - para magpatuli (dalawang lalaki kasi sila- 11 at 14 y/o). Actually, yung tuli part lang talaga ang planado. Yung libing hindi kasi biglaan talaga yon.

Kung bakit ba naman kasi kagabi lang naisipan na magvideoke. Yun pa naman ang pinakamasayang part. Kung bakit ba naman kasi kagabi lang humataw sa pag-eenjoy. Kung bakit ba kasi kelan paalis na.

Nakakatuwa yung pinsan kong 10 y/o. Mga luma ang alam niya. Hindi niya alam ang Mr. Suave pero alam niya ang legend na Quando, Quando, Quando. One man show din siya dahil bukod sa kumakanta na eh sumasayaw pa. At ang performance level, nakupo! Iniinterpretative dance din niya ang mga kanta ni Regine Velasquez. Nakakatuwa kasi 1st time kumanta ng isa ko pang pinsang babae na 6 y/o naman. Medyo kakatuto lang noong magbasa at medyo ngayon-ngayon lang siya nahihilig kumanta since pagsasayaw nga talaga ang kanyang expertise.

Masaya kahit mga limang kanta lang ang nakanta ko: ang Don't Dream it's over at Sway na all-time favorite ni mama at pinilit niyang ipakanta sa'ken dahil siguro masyado ng gasgas pag siya na naman ang kumanta, ang Hanggang Ngayon ni Kayla na recently ay favorite ko dahil lang sa simpleng dahilan na may kadalian siyang kantahin (hooo ang yabang) at syempre pa ang To the Moon and Back ng kinababaliwan kong Savage Garden. Nakakasenti kase.

Actually, feeling ko nga nakapangingilabot ang atmosphere kagabi. Nagsasaya ba kami dahil pinipilit namin ang aming mga sarili na mag-iwan ng isang masayang alaala bago umalis na naman ang mga mahal namin sa buhay sa kadahilanan lang na "mas maginhawa ang buhay sa ibang bansa"? Nagsasaya ba kami dahil sa wakas ay sasaya na naman sila dahil bored na bored na sila dito sa Pinas at syempre dun na sila sanay? O dahil ba kahit papano nagpapasalamat kami dahil nagkaroon kami ng pagkakataong magkasama-sama ulit kahit for two weeks lang?

Ayoko na. Nagiging bitter na naman ako. Umiiral na naman ang pagrerebolusyon ko sa sistema ng mundo. Sa kung bakit third world country tayo, sa kung bakit kailangang mapilitan ang mga Pilipino na gambalain ang buhay nila at mangibang-bansa dahil hindi nila matagpuan dito ang buhay na nararapat para sa kanila, sa kung bakit palaging pinapaalala sa''ken ng nanay ko na someday mag-aabroad din ako at yayaman at magreretiro bago ako mag-singkwenta, sa kung bakit sa loob ng labindalawang taon nang pamumuhay ko bilang tao eh iilang beses ko lang nakasama ang tatay ko dahil sa buong panahong yun ay naroon siya sa kung saan-saang lupalop ng mundo at nagpapakadalubhasa sa pagkumpuni ng mga eroplano ng dayuhan,


Sa kung bakit kailangang lunukin ng mga taong naiiwan at lumilisan ang pait at sakit ng katotohanang palaging kailangang mamaalam, at ang kawalan ng pagpipilian...

Comments: Post a Comment



<< Home

This page is powered by Blogger. Isn't yours?